
Borgs Ibabao
Nagpahayag ng mariing pagkondena at pagkagalit ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Palawan Chapter sa brutal na pagpatay sa kanilang kasamahan na si Atty. Joshua Lavega Abrina kagabi, September 17 sa tahanan nito sa Bgy. San Jose, Puerto Princesa City, na umano’y isang malinaw na pag-atake, hindi lamang sa pagkatao nito kundi maging sa prinsipyo ng katarungan, pananagutan at pinaninindigan sa kanilang propesyon.
Si Atty. Abrina ay nagsilbing Legal Officer ng Department of Education (DepEd) -Palawan at konektado sa Administrative Division ng Philippine Ports Authority (PPA) – Puerto Princesa City bago mangyari ang krimen.
Nanawagan ang IBP sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at mga kaugnay na ahensya para sa mabilis na imbestigahan ang karumal-dumal na krimen at pagpanagutin ang sinumang may kagagawan nito.
Ipinapaabot din ng IBP Palawan Chapter ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Atty. Abrina at nagakong gagawin ang lahat para makamit hustisya.
“We will not rest. We will not be silent. We will not be cowed. For every lawyer killed is a blow to the pursuit of justice—and we must never let injustice prevail”, – IBP Palawan Chapter.
Sa impormasyon mula sa pamunuan ng Brgy. San Jose, kakababa lang umano ng kaniyang sasakyan ni Atty. Abrina nang siya ay barilin.
Dalawang putok ng baril ang narinig at dahil sa madilim at malayo sa kabahayan ang kanilang lugar kaya’t walang nakakita sa salarin.
Mabilis pa raw na naitakbo sa isang private hospital ang abogado, ngunit binawian na ito ng buhay.