Romeo Luzares
Ni-rescue ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang tugboat na nasiraan ng makina sa karagatang sakop ng Palawan, lulan ng sampung (10) Chinese crew.
Ayon sa ulat, alas-6:30PM noong Linggo, September 28 nang nakatanggap ng tawag ang PCG Station Northeastern Palawan mula sa isang Mr. Supan, Commercial Supervisor ng TORO Marine, na isang tugboat M/ Tug Virgo ang namatayan ng makina, 43 nautical miles off ng Coron, Palawan.
Agad na idineploy ng PCG ang BRP Malapascua (MRRV 4403) para magsagawa ng search & rescue operations. Ala-1:45PM ng September 29 nang matagpuan nila ang bangka. In-inspeksyon ng grupo ang mga dokumento nito habang chineck naman ng medical team ang 10 crew members at nakumpirmang nasa maayos na kondisyon.
Kwento ng tugboat master, sila ay naglalayag mula sa Malaysia at papunta na sana ng China nang tumirik ang makina nito sa gitna ng karagatan ng Palawan.
Para masiguro ang kaligtasan, hinila ng BRP Malapascua ang tugboat patungong San Fernando, El Nido, Palawan, habang inaantay ang rescue mula sa kanilang kompanya.