Matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang interim relief ng National Power Corporation (NPC), simula sa November 2025 ay tataas na ang sisingiling Subsidized Approved Generation Rate (SAGR) ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) sa mga COMMERCIAL at INDUSTRIAL consumers nito.
Noong November 28, 2023 ay nagpasa ng petisyon ang NPC sa ERC na humihiling na itaas ang sinisingil sa SAGR na noo’y nagkakahalaga lamang ng P7.3900 per kWh sa mga residential, commercial at industrial connections ng mga missionary area kabilang ang Palawan.
Sa kabila ng pagkontra ng Association of Isolated Electric Cooperative, Inc. (AEIC) at kampanya ng PALECO na tutulan ang petisyon, binigyan pa rin ng ERC ng pahintulot ang hiling ng NAPOCOR na itaas ang halaga ng SAGR para sa mga COMMERCIAL at INDUSTRIAL consumer sa buong probinsya ng Palawan.
Base sa Commission’s Order ng ERC na may petsang September 23, 2025, dalawang (2) beses ang magiging pagtaas ng SAGR para sa COMMERCIAL at INDUSTRIAL connections na magsisimula sa November 2025 (1st tranche) kung saan mula sa P7.3900 ay madaragdagan ito ng P0.9282 na magiging P8.3182 na.
Sa ikalawang taon ng implementasyon ((2nd tranche), ang P8.3182 ay madaragdagan naman ng P0.9282 na papatak na sa halagang P9.2464. Sa kabuuan, aabot sa P1.8564 ang halagang maidadagdag sa SAGR na sisingilin sa COMMERCIAL at INDUSTRIAL consumers.
Paalala ng PALECO, ang sisingiling generation costs sa RESIDENTIAL, PUBLIC BUILDING FACILITY AT STREETLIGHT CONNECTIONS ay MANANATILI sa P7.3900 na mayroong regular power supply agreement (PSA).
Samantala, hihintayin naman ng PALECO ang ilalabas na guidelines bago ipatupad ang bagong halaga ng SAGR.
l via Borgs Ibabao