Sa kabila ng presensya at panggigipit ng Chinese maritime forces, matagumpay na nakapaghatid ng tulong ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc at Escoda Shoal sa ilalim ng programang “Kadiwa sa Bagong Bayaning Mangingisda.”
Pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang deployment ng mga barkong BRP Teresa Magbanua, BRP Melchora Aquino, BRP Cape San Agustin at iba pang yunit upang maghatid ng halos 98,000 litro ng krudo, limang toneladang yelo, at 345 grocery packs sa mahigit 90 fishing boats.
Sa kabila ng babala ng barkong PLA Navy 568 ukol sa “live-fire exercise” at paglipad ng Chinese helicopter sa mababang altitude, hindi natinag ang PCG at BFAR sa kanilang misyon.
Ayon kay Admiral Gavan, “Hindi kailanman uurong ang PCG sa pagtatanggol sa ating mga mangingisda at sa bawat pulgada ng ating karagatan.”
Ang operasyon ay malinaw na patunay ng matatag na paninindigan ng pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang kabuhayan at karapatan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea.
via Romeo Luzares