Mariing kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang agresibong aksyon ng mga Chinese vessel sa territorial waters ng Pag-asa Island. Sa kabila ng direktang pagbabanta, nanindigan ang ahensya na poprotektahan ang mga mangingisdang Pilipino sa Kalayaan Island Group (KIG).
Kahapon ng umaga, October 12, 2025 habang naka-angkla ang tatlong BFAR vessel, kabilang ang BRP Datu Pagbuaya, para sa programang “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda” (KBBM), nakaranas sila ng mapanganib na maniobra mula sa China Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia.
Bandang 8:15 a.m., gumamit ng water cannon ang mga Chinese vessel bilang banta. Lalo pang lumala ang sitwasyon: alas-9:15 a.m., ng direktang binomba ng tubig ang BRP Datu Pagbuaya.
Makalipas lang ang tatlong minuto, sinadya at binangga ng CCG vessel 21559 ang likuran ng BRP Datu Pagbuaya, na nagdulot ng minor structural damage.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, ang pambubully ay hindi makakapigil sa kanilang misyon. “Ang harassment na hinarap namin ngayon ay lalo lang nagpapatibay. Hindi kami uurong,” aniya, at sinabing hindi isusuko ng Pilipinas ang ni isang pulgada ng teritoryo nito.
via Romeo Luzares