Binigyang-diin ng Land Transportation Office (LTO) MIMAROPA Region na hindi nagbabahay-bahay ang kanilang mga enforcers upang manghuli ng mga violators, at ang anumang law enforcement operations ay nakabase sa kanilang standard operating procedure at isinasagawa lamang sa mga itinalagang lugar tulad ng mainroad, highways, at checkpoints.
Ito ang nilinaw ng ahensya matapos kumalat sa social media ang video ng umano’y operasyon ng kanilang LTO law enforcer sa pumasok sa bakuran ng isang residential area sa Bgy. Sicsican, Puerto Princesa City noong October 17.
Taliwas anila sa kumalat na false information sa internet, ang enforcer ay nasa isang hot pursuit operation laban sa dalawang motorcycle rider na nagtangkang umiwas habang isinasagawa ang regular inspection sa kalsada. Kinumpirma rin nila na ang enforcer ay miyembro ng LTO MIMAROPA Regional Enforcement Team dito sa lungsod.
”Ang mga nasabing motorista ay pina-flag down upang masuri ang kanilang driver’s license, rehistro ng sasakyan, at plaka, kung kinakailangang palitan o kung wala pa itong naibibigay na plate number”, sabi ng LTO MIMAROPA.
Nilinaw din ng LTO Region na walang Temporary Operator’s Permit (TOP) na inisyu sa mga tumakas na motorista at ang nakitang ginagawa ng enforcer sa video ay pagtatala lamang ng mga importanteng detalye ng mga violators at hindi pagsusulat ng TOP na inakala ng iilan.
Ito ay bahagi aniya ng dokumentasyon na posibleng gamitin sa paglalabas ng Show Cause Order (SCO) o sa karagdagang imbestigasyon para mahanap ang mga violators na posibleng nagmamaneho ng unregistered vehicle o walang driver’s license.
Paliwanag pa ng LTO, malapit lang kasi sa lugar kung saan unang hinabol ang 2 riders dahilan kung bakit mabilis na nakarating doon ang kanilang tauhan. Ang nakitang enforcer ay mahigpit din umanong sumusunod sa itinakdang proseso ng pagpapatupad ng batas trapiko.
At dahil tumakas ang mga motorista, hindi na nag-isyu ng anumang TOP ang enforcer dahil hindi pinapayagan ng batas ang pag-isyu nito kung wala ang mismong violator. Sa kabila ng pangyayari, napanatili rin aniya ng enforcer ang pagiging mahinahon, propesyonal, at maayos sa pagganap ng kanyang tungkulin.
Samantala, paalala ng ahensya sa publiko, ang disiplina at kooperasyon ng bawat motorista ay susi ng isang maayos at ligtas na kalsada para sa lahat. Nanawagan din silang iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon lalo na kung ito’y makakasira sa reputasyon ng mga enforcers na tumutupad lamang sa kanilang tungkulin.
l via Borgs Ibabao