Romy Luzares

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang babaeng senior citizen matapos mabangga ng Toyota Hi-ace GL Grandia van sa national highway ng Bgy. Princess Urduja, Narra, Palawan, alas-12:25 ng hapon noong Linggo, October 05.
Sa ulat ng Palawan Provincial Police Office (PPO), ang biktima ay kinilalang si alyas “Minda”, 61 years old at residente ng nabanggit na barangay habang ang nagmamaneho naman ng van ay si alyas “Andoy”, 44 years old, naninirahan sa Bgy. Mabini, Aborlan, Palawan.
Sa imbestigasyon, nanggaling ang van sa Bgy. Buliluyan, Bataraza, Palawan at bumibyahe sa national highway ng Narra patungo sana sa Puerto Princesa City nang mabangga ang bigla na lang umanong tumawid na si “Minda”.
Nagtamo ng pinsala sa katawan ang biktima na mabilis namang isinugod ng mga tauhan ng Narra Emergency Response Unit (NERU) sa Narra Municipal Hospital para gamutin ngunit pagdating sa pagamutan ay idineklara na siyang dead on arrival ng attending physician.
Walang tinamong sugat si “Andoy” habang nagkaroon umano ng hindi matukoy na halaga ng pinsala ang van. Ang sasakyan at driver ay dinala sa Narra Municipal Police Station (MPS) para sa kaukulang disposisyon.