Habang nagsasagawa ng operasyon ang Western Naval Command (WNC) ay nakarekober sila ng mga pinaghihinalaang ilegal na droga na palutang-lutang malapit sa Sabina Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon sa ulat, bandang alas-6 ng gabi noong Oktubre 17, 2025, nakatanggap ng impormasyon ang Maritime Coordination and Awareness Unit-West (MCAAU–W) tungkol sa isang itim na bag na may lamang mga pakete ng hinihinalang high-grade marijuana na nakalutang sa dagat.
Agad rumesponde ang WNC at inatasan ang BRP Lolinato To-Ong (PG-902), na nagpapatrolya sa lugar, upang hanapin ang mga ito.
Kinabukasan, bandang 6:40 ng umaga, Oktubre 18, matagumpay na narekober ng PG-902 at ng MCAAU–W personnel ang mga kahina-hinalang pakete ng droga.
Ito ay pormal na iniabot noong Oktubre 20 sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)–Palawan para sa pagsusuri at tamang disposisyon, matapos idiretso sa Puerto Princesa City.
Patuloy ang WNC sa pagsuporta sa mga ahensya ng gobyerno sa paglaban sa ilegal na droga at pagtiyak na mananatiling ligtas at malaya sa anumang ilegal na aktibidad ang West Philippine Sea.
l via Romeo Luzares