Borgs Ibabao
Mula sa kaniyang sweldo, magbibigay ng pabuya si Puerto Princesa City Councilor Elgin Robert Damasco sa sinumang makapagtuturo at makapagbibigay ng impormasyon para agarang ikadarakip ng mga posibleng suspek sa pagpatay kay Atty. Joshua Abrina.
“Magbibigay ako ng pabuya. Ibibigay ko ang buong sweldo ko para sa sinumang pwedeng makapagturo at hanggang sa mabigyan ng hustiya. “Hindi lang pupwedeng magturo ka lang, kailangan mapatunayan. Mula sa aking opisina.. mula sa sahod ko, P50,000”, pahayag ni Konsehal Damasco sa interview ng XFM Palawan ngayong Huwebes ng umaga.
Nanawagan din si Damasco sa mga kapwa opisyal ng pamahalaan na tumulong at dagdagan ang ipinangakong pabuya para sa mga indibidwal na may nalalaman at makakatulong sa mabilisang pagbibigay ng hustisya.
“Inaanyayahan ko rin ‘yong iba pang mga opisyal na magtulung-tulong tayo. Baka pwedeng madagdagan pa ninyo ‘yong aking P50,000, para mas lalong mahikayat ‘yong iba pa nating mga kababayan na magkusa na magbigay ng impormasyon”, dagdag pa ni Konsehal Damasco.
Sa social media post ng konsehal, magbibigay na rin umano ng karagdagang tig-P50,000 pabuya sina Konsehal Jie Lao at Palawan 2nd District Board Member Ryan Maminta.
📷 Sangguniang Panlungsod/Kabandera Elgin Damasco