Romy Luzares
PUERTO PRINCESA, Palawan — Inaasahang magiging maingay ngunit makasaysayan ang umaga ng Oktubre 19, 2025, sa Puerto Princesa, dahil gagamitin ng Philippine Marines ang kanyon bilang panimulang hudyat sa gaganaping “Karangalan Marathon.”
Naglabas ng abiso ang 3rd Marine Brigade, sa pangunguna ni BGen. Wilfredo Manalang Jr., upang bigyang-babala ang publiko tungkol sa anim (6) na pagpapaputok na magsisilbing signal fire para sa iba’t ibang kategorya ng karera. Gaganapin ang pagpapaputok sa pagitan ng 12:00 MN (Hatinggabi) hanggang 6:00 AM.
Nilinaw ng Marines na ang gagamiting ammunition ay blangko o walang bala, kaya’t tiniyak na walang dapat ikabahala o ikatakot ang mga residente sa paligid.
Masasaksihan ang kanyon sa Balayong Park, kung saan magsisimula ang marathon na magtatapos naman sa Sports Complex.
Bukod pa rito, inaasahan ding magpapakita ng kanilang husay ang mga sundalo sa gaganaping parachute free-fall exhibition ng Philippine Marines, kung saan bababa sila mismo sa Balayong Park, na tiyak na magdadagdag ng excitement sa okasyon.